Ni Jessel Herradura (H3D), Patnugot ng Stallion para sa Filipino
Noong nakaraang Nobyembre 21, nag-uwi ng tatlong medalya ang Stallion, opisyal na pahayagan ng Paaralang Xavier, sa taunang Para sa Bayan at Lasalyano 2009 (Baylayn 2009) na pinamunuan ng Ang Pahayagang Plaridel ng Pamantasang De La Salle.
Iniuwi ni Ryan Yu (H3C), Patnugot ng Stallion Chinese, at ni Patrick Zaldarriaga (H2B) ang ginto at tansong medalya para sa Pagsulat ng Lathalain. Nagkamit naman si Jessel Herradura (H3D) ng tansong medalya para sa Pag-uulo at Pagwawasto ng Balita.
Umikot sa temang “Pagpapalawig ng Identidad ng Pamamahayag Pang-Filipino sa Panahon ng Globalisasyon” ang naturang timpalak ngayong taon. Binibigyan nito ng kahalagahan ang paggamit ng wikang Filipino sa kabila ng palasak na paggamit ng banyagang wika sa ating bansa ngayon.
Kinalaban ng Stallion ang 12 mga paaralan mula sa Luzon, at kabilang dito ang Paranaque National High School at De La Salle Lipa. Umabot nang mahigit kumulang 100 delegado ang nagtipun-tipon para lumaban sa naturang patimpalak.
“Nakakatakot ang ibang mga paaralan, ngunit alam kong may mga bagong manunulat ang Xavier na kayang higitan ang kanilang kakayanan,” ayon kay Josh Lam, Punong Patnugot ng Stallion, nang kapanayamin ukol sa patimpalak.
Isang patimpalak ng pamamahayag ang Baylayn na pinamumunuan taun-taon ng Ang Pahayagang Plaridel, ang pahayagang Filipino ng De La Salle University. Ngayon lamang sumabak sa timpalak na ito ang Xavier.








Info
+63 2 723 0481
+63 918 XXAVIER
Visit
Xavier
RSS Feed
Search
Categories
Recent Articles
Archives
Calendar
Ads




















