Men fully alive, endowed with a passion for justice, and the skills for development.

Bossa Nova: Ang Bagong Uso

sitti01-a.jpgni Marty Go (H2H), Manunulat ng Lathalain ng Stallion

Aakitin niya ang inyong kaluluwa upang patuloy siyang pakinggan. Nanakawin niya ang inyong puso… ngunit hindi sasaktan. Bawat salita, bawat nota at bawat himig na inyong maririnig ay makaaabot sa inyong kaloob-looban. Sino, o marahil, ano itong sinasabi ko? Isa ba itong dilag na nakahuhumaling ang tinig? Maaari, subalit hindi siya ang tinutukoy ko. Ang inilalarawan ko ay walang iba kundi ang sosyal at ang kinababaliwang himig ng Bossa Nova.

Marahil naglalaro sa inyong mga isipan kung ano nga ba ang Bossa Nova. Narinig ninyo na siguro ito sa mga kapihan, record bars at ilang mga tindahan, ngunit hindi ninyo lamang ito napapansin. Ang ibig sabihin ng Bossa ay “uso,” habang ang Nova naman ay “bago.” Sa madaling salita, ang Bossa Nova ay ang “Bagong Uso!”

Isang uri ng awiting hango sa bansang Brazil noong dekada singkwenta ang Bossa Nova. Nagtataka siguro kayo kung paano nakarating ang naturang uri ng musika rito sa Pilipinas gayong mula pa ito sa kabilang panig ng mundo. Ang sagot diyan ay si Bong Peñera, ang kauna-unahang musikero ng Bossa sa Pilipinas. Sumikat siya noong dekada sitenta sa kanyang mga awiting Bossa at Jazz. Mula noon, palagi nang naririnig ang ganitong mga uri ng kanta sa mga lounge ng hotel, kaya naman kilala rin ito bilang lounge music. Gayunman, kahit matagal na ito sa ating bansa, noong nakaraang taon lamang ito sumikat dahil sa paglabas ni Sitti at ng kanyang album na Café Bossa. Kasabay ng kanyang pagsikat ay ang pagkamulat ng karamihan sa Bossa at pagsulpot ng mga album na Bossa. Kasama riyan sina Sofia, Joaqui at marami pang iba. Dahil sa mabilis na pagsikat nito, ang mga album na dati ay Pop-OPM, ngayon, Bossa na! Kabilang rito ang VST & Company, Hotdog, at iba pa.

Ano nga ba ang maganda sa Bossa? Ang ritmo? Ang himig? Ang umaawit? Sa katunayan, walang hindi magugustuhan dito. Tunog pa lang, nakagagaan na ng pakiramdam. Dagdagan pa ng mahinhing pagtugtog ng tambol, ng mahinahong pagtugtog ng gitara, ng malumanay na boses at ng marahang himig ng pyano, wala ka na ngang hahanapin pa. Bukod pa sa mga ito, nakadadagdag din sa kagandahan ang titik o lyrics ng kanta na madalas, nagpapahiwatig ng kaluwagan ng kalooban at kapayapaan sa sarili. Dahil dito, inirerekomenda ko ito sa lahat ng gustong magpahinga mula sa isang mahabang linggo, o di kaya’y sa sinumang gustong paghusayin ang ginagawang takda. Kung tutuusin, versatile naman itong maituturing—pwedeng pakinggan kailanman, saanman.

Ano pa ang hinihintay ninyo? Pakinggan na ang bagong uso! Tumigil muna sa mga rock o pop na palagi ninyong pinakikinggan. Halina’t tumapak sa mundo ng musika ng katiwasayan, kaginhawahan at kapanatagan, ang paraiso ng Bossa Nova!

 

Picture source: http://www.yehey.com/entertainment/uploads/Sitti01-A.jpg

Boom said,

August 28, 2007 @ 10:10 am

Sumikat ang bossa nova bilang alternatibong uri ng tunog ng kabataan na iba sa maingay na rock. Sa pagrevive ng mga lumang kanta gamit ang nabanggit na uri, hindi lang kabataan ang naging tagapakinig nito kundi ang mga naunang henerasyon din.

RSS feed for comments on this post · TrackBack URI

Leave a Comment

Note: Xavier School reserves the right to edit or delete inappropriate comments. However, the School is also a believer in free speech. Only comments submitted using ones real name shall be considered for posting. Thank you.